Ika-05:26 ng umaga, nagtimpla ako ng tsaang chrysanthemum.
Sa Europa ang bulaklak ng chrysanthemum ay para sa mga patay at nagdadalamhati.
Gayun pa man, ito ang gusto kong lasa sa tsaa. Habang hawak ko ang tsaa, sabay
ko naman binitbit ang kumot upang magpunta sa likod bahay kung saan may bermuda
at mga halaman.
Inilatag ko ang kumot upang makahiga at pagmasdan ang bukang
liwayway. Unting unting lumiliwanag at silahis ng araw ay kay sarap damhin.
Tila nag-aagaw ang lamig at init ng kalangitan. Sa di-kalayuan kung saan ako
nakahiga ay mayroong halaman na puti at nakapalibot ang mga mabalahibong bagay,
“Dandelion”.
Habang pinagmamasdan ko ito, unti-unti akong nalulungkot at
kumunot ang noo ko. Sumikip ang dibdib at naluluha. Bumangon ako upang umupo at
makita ng mabuti ang talulot ng Dandelion. Habang patuloy ang nararamdaman kong
pagkalungkot, hinipan ko ang talulot at sumabay sa ihip ng hangin ang mga talulot
nito.
Habang pinagmamasdan ko ang paghalo nito sa hangin ng
paitaas, nakita ko ang sikat ng araw at di ko na nakita ang lumipad na talulot ng
Dandelion, marahil sa liwanag at sikat ng araw. Muli kong pinagmasdan ang talulot
nito at sa pagkakatitig, bigla akong humagulgol sa iyak at pinagmasdan na
maubos ang talulot ng Dandelion.
Ang pananaghoy ng hinanakit at hugot ng kalungkutan ang
bumalot sa kalooban ko. Kahit anong pagluha’t iyak ang aking gawin wala na..
Pag nawala ang mahal mo sa buhay, gaya ng talulot ng Dandelion ay unti-unti itong
dadalhin ng hangin. Kahit anong pigil mo ay doon paroon ang kanyang tadhana.
Tumayo ako at naglakad ng kaunti habang sinisinok dahilan ng
pag-iyak ko. Sa di-kalayuan natanaw ko ang malawak na taniman ng Dandelion,
sabay-sabay na lumilipad ang talulot nito. Napangiti ako dahil alam kong di
nag-iisa ang mahal ko sa buhay. Gaya ng ibang talulot may kasama pang ibang talulot.
Napawi ang aking pakiramdam at nakahinga ng maluwag. Sa tagal ng panahon na
kinimkim ko ito, sa wakas nakaraos din.
Ngayon, napapa-isip ako.. Dandelion o Chrysanthemum?..