Thursday, February 7, 2013

“KANDILA O LAMPARA”



Napagtanto ko na ilathala ang kasaysayan na ito dahil sa malapit na kaibigan. Isang kaibigan na naipipinta ang laman ng isip at damdamin sa pamamagitan ng imahinasyon at titik. May mga pagkakataong napapaisip ako at kung bakit may ligaya at tuwa sa kanyang mga mata samantalang inilalapat lang naman nya ang kanyang daliri sa tala-pindutan.



Ang panulat at kasaysayan na ito ay pinamagatang “KANDILA O LAMPARA”.
-“ang panulat na ito ay naglalaman ng maseselang bahagi; seksual; karahasan; walang droga kaya patnubay ng magbabasa ay kailangan”.

Isang pangarap ang natupad ng makatapos ako ng secondaryo. Pangarap na nagdulot ng tuwa para sa akiing mga magulang. Nakaramdam ako ng pagiging independyente at lakas ng loob dahil alam ko na bukas-makalawa, sa mga darating na panahon, at sa hinarap ay maiiba ang buhay ko.
Unang araw ng unang semesteryo sa kolehiyo. Umaga pa lang ay gumising na ako upang magplano at mag-ayos kahit na alas-singko pa ng hapon ang aking pasok hanggang alas-nwebe ng gabi:
-nag ehersisyo
-kumain ng pang agahan
-naglagay ng pampakinis at pampaputi sa katawan
-nakinig ng musiko
-naglagay ng malaputik na maskara sa mukha
-at naidlip.

Nagising ako ng ala-dose imedya ng hapon dahil masakit na sa tenga ang pinapakinggan ko. Mabilis at puro tambol na di ko maintindihan ang mga liriko at lengwaheng dayuhan pa na tila bibitayin sa kakasigaw at malat na boses. Habang nanakit na ang mukha ko sa natuyong malaputik na mascara.

Habang patungo ako sa paliguan nakakita ako ng kandila malapit sa kusina. Kinuha ko ito ng di ko alam ang dahilan. Napatigil ako at nag-isip, “aanhin ko ito?”. Inamoy ko ang kandila at amoy lilac ito, naisipan kong sindihan habang naliligo. Dali-dali ako naghanap ng posporo para madala ang kandila sa paliguan. Di ko binuksan ang ilaw ng paliguan dahil may dala naman akong kandila at yuon ang aking gagamiting pang-ilaw habang naliligo ako. Pagkaskas ko ng palito ng pospuro at inilapit sa kandila mabilis naman umilaw ito. Sa harap ng salamin ay nakita ko ang sarili ko. Nasilayan ko ang mukha ko at ngumiti na tila may kakambal o kaibigan sa paliguan.

Habang naliligo pinagmamasdan ko lang ang kandila hanggang pumayak na ang liwanag nito at mamatay. Natapos na akong maligo at magbibihis na. Unang araw ng klase kaya maaring di magsuot ng uniporme. Sa wakas nakapili na rin ako ng maisusuot. Asul na pang-itaas at asul na sapatos upang magkaterno at mala-abong pantalon.

Patungo na ako ng sakayan papuntang eskwelahan ng makita ko ang isa sa mga kapitbahay namin, “Ang gwapo hah!”. Napangiti ako at nag pasalamat. “Bagong ligo kasi”, sabay tawa at patuloy sa paglalakad.

Habang nasa loob ng jeep bago pa man makadating ng eskwelahan, tumigil ang sasakyan at sumakay ang isang binibini na nakatitig sa akin at ako’y namula. Mahiyain kasi ako lalo na’t di ko kadikit pusod. Siya ang aking guro nung sekondaryo pa ako.
“Kamusta ka na anak, ibang- iba ang pustura mo at hitsura, ang gwapo mo ngayon at maputi”. Sa loob-loob ko may pakinabang naman pala ang aking ipinahid bago maligo. Patuloy ako sa pamumula at nagpasalamat sa kanyang nasambit. Nagkalayo na kami ng landas pagkababa ng sasakyan dahil iba ang pasukan ng mga guro sa estudyante.

Habang naglalakad ako, nakita ko mga dati kong kaklase at malayo pa lang ay nakatingin na sila. Hindi ako ngumiti at patuloy sa paglakad dahil nahihiya ako at sila ang mga alaskador sa klase. Isa sa kanila ay si Madelyn, “Jeph” ang sabi nya na nakalagpas na ako sa kanila nung ako’y tawagin. Lumingon ako dahil pangalan ko ang nadinig ko. Tinawag akong muli at lumapit sa kanila. Kinakabahan man ay di ko pinahalata. “Kamusta kayo” medyo nangingig pa ang boses ko. “Ang gwapo mo na ha! Anong ginawa mo at ang kinis ng balat mo at lumaki katawan mo? Kung di ka pa lumingon aakala namin hindi ikaw yan”, di ako umimik at nakatingin lang sa kanila. Ang mga babae naman ay nagbubulungan habang nakatingin sa akin. “May kasintahan na yan”, sambit ng isa sa kanila. Sumagot ako at namumula, “wala pa”. Inimbitahan akong sumabay na kumain sa kalahati ng klase namin bago pa tumunog ang alarma-senyales na mag-uumpisa na ang klase.

Habang patungo ako sa kwarto ng klase, naalala ko na di naman ganoon ang kanilang trato sa akin noon:

-maitim
-patpatin
-puro tighiyawat ang mukha o nalaglagan ng langka sa mukha
-pumapasok na di nakaplantsa ang uniporme
-taong mantika
-iniiwasan.

Gayun pa man, nasambit ko sa sarili ko na wala silang pagkakaiba sa kandila. Noon na ninanais ko mapasama sa kanilang grupo kahit na inuutusan at inaalaska lang ako. Ngayon ang mga kandilang iyon ay patay na at ang lampara sa akin ay patuloy na nagliliyab.

Naupo ako sa may likuran ng klase dahil ayaw na ayaw ko malapit sa upuan ng guro. Ngunit isa pa lang malaking pagkakamali dahil ako ang unang tinawag ng guro para magpakilala sa harap. Kahit kabado ay tumayo ako at heto ang nasambit ko:

“Iba sa inyo kakilala na ako dahil naging kaklase ko na at yung iba na di pa nakakilala ay muli akong magpapakilala, ako si”.

Nakatingin lang sila sa akin na akala mo na-engkanto, naglakad ako pabalik sa upuan ko at sinundan ako ng tingin ng mga kaklase ko. Sambit ng isa “Ikaw ba yan?”, na may ngiti sa mukha. Di ko matanto kung anong nangyari sa silid aralan. Bago maupo sa upuan ko ay nagsuhestyon ako, “paki-usap yung susunod naman” at sabay tayo ng susunod na magpapakilala.

Habang may nagpapakilala sa harap sabay naman ang paglaro ng isip ko dahil sa buong araw na nagnyari, di ko alam kung panaginip lang ang lahat. Aaminin ko na masarap ang pakiramdam ngunit di makapanuot sa isip ko na humahanga na sila ngayon sa isang “panget na pato”. Ang ihip ng hangin ay tila kagaya nung nasa sekondaryo ako dahil nanariwa ang nakaraan. Naluha ako at nalungkot dahil sa wari ko ako parin ang “panget na pato” na kanilang kinutsa. Sadya bang mapanghusga ang tao at ang mundo ang dumidikta ng dapat nilang makita?.

Maya-maya pa ay may lumapit na kaklase kong babae na may hawak na pamunas, “heto” ang sambit nya. May dinaramdam ka ba? Sunod na sambit nya. “Salamat, wala naman akong dinaramdam. May naalala lang ako” ang tugon ko sa kanyang pagtatanong habang inabot ko ang bigay nyang pamunas. Pagtingin ko sa kanya, siya pala si Lhen, isa sa matalik ko na kaibigan noong sekondaryo. Di lingid sa aking kaalaman na may pagtingin sya sa akin pero may kasintahan ako noon na si Irish.


PAGBABALIK TANAW:
Nung sekondaryo pa lang ay nakakatanggap na ako ng sulat galing kay Arlene at nagagalit kapag hindi ako sumagot sa mga sulat nya. Isa sa mga kaibigan namin ang nag-aabot ng mga sulat sa bawat isa. Kamustahan at kwentuhan na sa sulat nailathala. Di tumagal at bago matapos ang ika-apat ng sekondaryo nagtapat si Lhen na mahal nya ako at nais nyang maging magkasintahan kami. Yun pala ang dahilan kung bakit lagi nyang sinasambit na kapag may nagustuhan na ako ay ipakilala ko raw sya. Hindi nagtugma ang landas namin ni Lhen at nabanggit ko na magkaibigan lang talaga ang kaya ng puso ko. Maganda at mabait si Lhen, masiyahin at makwento ngunit bago pa man magpasukan sa kolehiyo ay naging kasintahan ko si Irish na nag-aral sa ibang unibersidad.

Dahil na rin sa paninibago sa estado ng buhay sa kolehiyo at responsibilidad na pilit kong inabot. Di nagtagal ay nakipaghiwalay ako kay Irish. Sabi ko sa kanya na maglaan muna ng panahon sa pag-aaral. Maluwag na tinanggap ni Irish ito kahit na alam kong nasaktan sya ng sobra.

Biglang umalingawngaw ang alarma-senyales na tapos na ang klase. Paglabas ng silid-aralan ay nakahinga ako ng maluwag dahil malamig ang hangin at madilim na ang kalangitan, at ang bilis ng oras sa kolehiyo. Sa may labasan naghihintay naman mga dati kong kaibigan:

Jun at Jok - magkasintahan na mula pa sekondaryo
Jazz- nanay ng grupo
Ira-anak ng mga numero at matematiko
JB-bunso ng grupo
Mark at Phie-alaskador ng grupo
Lhen-pinakamalapit kong kaibigan

Ang mga barkadang babae ay sabay sigaw ng “Pogi” pagkalabas ko ng silid aralan at nakangiti na may galak na makita akong muli, gayundin naman ako. Lumapit ako at yumakap sa grupo marahil ay hinahanap hanap ko sila sa tagal ng bakasyon at alam kong may kani-kaniyang mga kurso na kami.
Bagamat may nagbago sa pisikal na anyo ko di parin nagbago ang gawain naming magkakaibigan. Dali-dali kaming kumain ng minatamis na saging at binilog na isda. Kay sarap ng magkakasama at magkakasalo kumakain habang nagtatawanan at nagkukwentuhan sa mga nangyari nuong bakasyon. Natuwa naman ako sa unang araw ng klase, sambit ko sa aking sarili.

Bago pa man magpaalam sa bawat isa, nalihis sa usapan ang mga babae sa buhay ko. Anya ni Jazz, “hay naku, yan pa eh tahimik nga pero ang daming babae nyan!”. Sabay sumagot si Lhen, “hindi kaya!, madami na nagtangka pero iilan pa lang”. “Dalawa lang yata”, dagdag ni Lhen. “Dalawang-pu” sabi naman ni Ira, “heto ha”:

Ana-elementarya
Princess-bago matapos ang elementarya
Pam-nung unang baitang sa secondaryo
Rubie-pangalawang baitang sa secondaryo
Aileen-pangatlong baitang sa secondaryo
Irene-bago matapos ang secondary

Sabi naman ni Jok, “darami pa yan lalo na ngayon at agaw pansin na sya sa eskwelahan. Hindi natapos doon ang pangungutsa nila sa akin. “Ako Ira nakalimutan mong isama sa listahan at yung naging gurong tagapagpayo natin na nagkagusto sa kanya” patuloy na pagdagdag ni Lhen. Lingid sa kaalaman nila na wala na kami ng kasintahan ko. At di nagtagal nagpaalam na rin ako sa barkada.

Dumaan ang maraming araw at buwan mas lalong naging magulo ang buhay kolehiyo ko. Tila parang pinaglalaruan ako ng tadhana at di masilip ang langit. Tanging silahis ng araw ang dumadampi sa aking mukha at di maramdaman ang init na dala nito. Gaya ng lamparang kay tulis ng kanyang apoy ngunit mawawala din ang liwanag sabay ng pagkawala ng langis.

-ITUTULOY


3 comments: